Mga Tirang Pagkain, Wag Paabutin ng Higit sa Apat na Araw sa Ref!
Ang mga tirang pagkain ay maaari lamang iimbak sa refrigerator
sa loob ng tatlo hanggang apat na araw. Siguraduhin na kainin ang mga ito agad
at huwag paabutin ng matagal sa ref. Matapos ang apat na araw na nakalagay sa
ref, mas mataas na ang posibilidad ng food poisoning kapag kinain ito. Kung
alam mong hindi mo makakain ang iyong tirang pagkain sa loob ng apat na araw,
ilagay ito agad sa freezer upang mas tumagal ang shelf life nito.
Ang food poisoning ay nakukuha mula sa mga bacteria sa
kontaminadong pagkain. Madalas ay hindi pansin ang pagbabago sa lasa, amoy o
hitsura ng pagkain kapag kontaminado ito ng bacteria kaya delikadong kainin ang
mga pagkain na matagal na nakalagay lang sa ref. Mas mabuting itapon na ito
kung hindi ka sigurado kung panis na o hindi.
Madaling maiiwasan ang mga kaso ng food poisoning basta tama ang
iyong food handling. Agad ilagay sa ref ang mga madaling masira na pagkain
tulad ng karne, manok, isda, dairy at itlog. Huwag silang hayaan na nasa labas
lang ng higit sa isang oras at 32 degrees Celsius dahil maaaring mapanis ang
mga ito.
Ang mga hindi inilulutong pagkain tulad ng salad o sanwiches ay
kailangang kainin agad o ilagay agad sa ref kapag hindi kakainin. Mabilis itong
makontamina ng mga bacteria. Kapag kakainin mo na ang mga tirang pagkain na
nakaimbak sa ref, initin ang mga ito sa kalan, oven o microwave hanggang 74
degrees Celsius.
Comments
Post a Comment